Bakit gusto kong tumira sa Pinas (part 2 of 2)

Matapos ang panandaliang pag-e-emo ko nung isang araw (see previous post), nanumbalik na rin ang aking naturalesa — yung pagiging “optimistic, no matter what!

Kaya agad ko ring naisip (habang isa-isang nililista yung mga kadahilan kung bakit ayaw kong tumira sa Pinas) yun mga magagandang bagay tungkol sa Pinas… sa mga Pinoy… at sa buhay dito sa atin; reasons that balance out, or even cancels, the effects of everything that is nega about this beloved country of ours.

Good things like:

Yung nag-uumapaw na balon ng creativity at talent ng mga kababayan natin — sa pag-kanta, sa sports, sa pag-dirihe ng mga pelikula, sa pag-sayaw, sa pag-arte, sa pag-imbento ng mga makabuluhang bagay, sa pagguhit, atbp. World Class talaga!

Yung parami ng paraming bilang ng mga organisasyon na gustong tumulong sa mga kababayan nating naghihikahos, inaapi, o napapabayaan ng gubyerno.

Panalo ang mga tradisyunal nating pagkain — ulam man, pang-himagas, pang-meryenda, street food, o pangaraw-araw na kakanin, busog-lusog-mura-saya talaga!

Mayaman ang lupa natin; kahit saan ka mag-tanim madaling mabubuhay ang halaman.

Maraming bookstores na nagbebenta ng mga 2nd-hand na libro’t magasin.

Buhay na buhay ang ating kultura — maraming mga lengwahe at kaugalian ang ating naririnig at nakikita araw-araw.

Maraming ukayan!

Andaming cool na banda!

Paganda ng paganda ang lahi natin every generation!

Maraming naka-ngiti o nagtatawanan kahit saan ka pa dumako.

Tarsiers! Tamaraws! Monkey-eating Eagles!

Pinaka-mahabang Pasko sa buong mundo!

happyface

Bakit gusto kong tumira sa Pinas (part 2 of 2)

Bakit ayaw kong tumira sa Pinas (part 1 of 2)

Mawalang-galang na po sa mga tao na naniniwala sa prinsipyong “right or wrong, my country,” na kung ita-translate loosely to Tagalog ay “nasa tama man o mali, sa bansa ko pa rin ako hahanay!”

Patriotic talaga kung pakikinggan, at marami ring pagkakataon na applicable siya. Pero hindi sa lahat… Hindi sa lahat.

Minsan, dahil nga sa mahal mo talaga ang iyong bayan, kailangan mo itong punahin… pagalitan… paluin (kung pupwede lang talaga)… o di kaya’y parusahan.

Ang hirap kasing palaging kinukunsinti ang kamalian.

Parang magulang at anak lang yan.

Kaya, mahal kong Pilipinas…

ANYAAAARE?!

Natagurian kang isang “demokrasya,” puro naman vote-buying kaliwa’t-kanan!
Bidang-bida ang “hospitality” mo sa mga dayuhan, napaka-inhospitable mo naman sa ilang sektor ng iyong sariling mga mamamayan!
Tampok ang disiplina ng mga Pinoy kapag nasa ibang bansa, dito naman sa atin, daig pa nila ang mga baboy na nakawala sa kural!
Bastyon ka ng relihiyon (katolisismo, kristiyanismo at islam), pero parang pinamumugaran ka ng mga demonyo!
Andaming mong mga matatalinong tao, puro naman sa kalokohan ginagamit ang talino!
Biniyayaan ka ng sandamukal na likas-yaman, unti-unti mo naman itong binabasura’t dinudurog!
Andaming reklamador…
Andaming bastos…
Andaming mayayabang…
Andaming utak-pulbura…
Andaming kawatan…
Andaming adik…
Andaming baliw…
Andaming trapo…
Andaming manyak…
Aray ko ampusokoh.

Unhappy face

Bakit ayaw kong tumira sa Pinas (part 1 of 2)

The Invisibles.

Opo. Tama ang basa ninyo sa title. Hindi “Incredibles”… Invisibles.

Invisible, as in hindi makita, hindi kayang makita, hindi kasama sa mga mahahalagang estadistika ng lipunan.

May isa pang depenisyon ang Invisible — mga ayaw makita. At ito yung malungkot na sitwasyon na pinupunto ko.

Napakaraming mga “invisible” na tao sa ating lipunan. Mga taong nasa paligid natin pero kadalasa’y dinidedma lang… mga taong tina-trato na parang wala lang… mga taong ipinanalangin na sana’y maglaho na lang na parang bula.

Bakit?

Mas madali ba silang talikuran kaysa tulungan?

Mas simple bang sila’y dedmahin kaysa pakinggan?

Is it less painful to look through them than at them?

Sino nga ba ang mga taong madalas nabibilang sa “The Invisibles?” 

  • Mga baliw na gumagala sa kalsada
  • Mga pulubi (matatandang nakaabang sa stop light, mga “batang envelope” na umaakyat sa jeep, mga tropang “tambol-sayaw”, mga paslit na “kalabit-penge” atbp.)
  • Mga “rugby boys”
  • Mga street evangelists at nagse-sermon sa bus na humihingi ng limos
  • Mga pamilyang natutulog sa bangketa
  • Mga batang nanghahalukay ng makakain sa basurahan
  • Mga may matitinding kapansanan

Kayo? Sino ang mga “The Invisibles” na naka-enkwentro na ninyo?

The Invisibles.